Singil sa kuryente ng Meralco, bahagyang bababa ngayong Pebrero

by Erika Endraca | February 9, 2021 (Tuesday) | 17418

METRO MANILA – Magpapatupad ng P0.7 per kilowatt hour na bawas singil sa kuryente ang Meralco ngayong Pebrero.

Ibig sabihin nasa P14 ang mababawas sa babayaran ng mga customer na may average consumption na 200 kilowatt hour sa loob ng isang buwan.

P21 para sa mga kumokonsumo ng 300 kilowatt hour, P28 kung 400 kilowatt hour at P35 naman sa kada 500 kilowatt hour na konsumo sa kuryente.

Ayon sa Meralco ang bawas singil ay bunsod ng pagbaba ng fixed charges na ipinapataw ng mga plantang pinagkukunan ng kuryente ng power distributor.

Muli namang tiniyak ng Meralco na susundin nito ang kautusan ng pamahalaan na palawigin pa ng isang buwan ang “no disconnection policy” para sa lifeline o low-income consumers na inaabot lamang ang konsumo ng 100 kilowatt hours pababa.

“As far as meralco is concerned we will follow the order, we will follow the guidelines, advisories set by the government, we will continue to comply with the directive” ani Meralco Spokesperson, Joe Zaldarriaga.

Samantala, sisikapin naman ng Meralco na magkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente sa oras na magsimula na ang Covid-19 vaccination program.

Inaasahang ang mas malaking demand sa kuryente kapag nagsimula na ang roll-out ng bakuna, lalo’t kinakailangan nang i-activate ang mga cold storage facility.

Ito’y sa kabila na posibilidad na maaring numipis ang suplay ng kuryente lalo’t maguumpisa na rin ang panahon ng taginit kung saan inaasahan na ang mas mataas na demand sa kuryente.

“Mami naman po sa meralco, we will ensure the service will be reliable and efficient assuming supply is adequate, ang commitment naman is makikipagtulungan kami sa pamahalaan gayundin sa pribadong sektor para masiguro na yung iimbakan nung mga bakuka ay hindi mako-compromise yung efficacy at safety ng mga ito” ani Meralco Spokesperson, Joe Zaldarriaga.

Makikipag-ugnayan ang Meralco sa mga lokal na pamahalaan upang alamin ang lokasyon ng mga bagong cold storage facilties na kanilang gagamitin para maihanda naman ang electric circuit sa nasabing mga lugar at maiwasan ang aberya.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: