13 sentimo kada kilowatt hour ang mababawas sa bill ng mga costumer ng Meralco ngayong Hunyo.
Ibig sabihin, 26 piso ang mababawas sa bill ng isang sambahayang kumokonsumo ng 200kw kada buwan habang 65 pesos naman ang matitipid ng kumokonsumo ng 500kw kada buwan.
Subalit ayon sa Meralco, posible namang tumaas ang singil sa kuryente sa Hulyo dahil sa epekto ng sunod-sunod na yellow alert noong nakaraang linggo.
Pero bagaman bumaba ang singil ng Meralco, may dagdag naman na pitong sentimo na singil dahil sa feed in tariff o fit.
Ang fit ay ang tax na binabayaran ng mga consumer kapalit ng pagtatayo ng mga renewable energy sa bansa gaya ng solar at wind energy.
Ang feed in tariff ay nakasaad sa batas at epektibo sa loob ng dalawampung taon, sa ngayon ay nasa ikaapat na taon pa lang tayo sa implementasyon ng dagdag bayarin na ito.
Ayon sa Laban Konsyumer group, hindi makatwiran ang dagdag singil sa fit na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Isang mosyon ang inihan ng laban konsyumer sa ERC na kumukwestyon sa dagdag-singil.
Kung hindi maaaksyunan, planong iakyat ng Laban Konsyumer ang kanilang mosyon sa Korte Suprema upang ma-irefund ang umano’y sobrang singil ng Meralco.