Singil sa kuryente ng MERALCO bababa ngayong Enero

by Radyo La Verdad | January 7, 2016 (Thursday) | 1312

MERALCO
Bababa ng P0.21 centavos kada kilowatt hour ang singil sa kuryente ng MERALCO ngayong buwan ng Enero.

Ayon sa MERALCO bagamat tumaas ang bentahan ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM at sa mga Independent Power Producers o IPP nabawi naman ito sa pagbaba ng taxes at transmission charge.

Bumaba ng dalawang sentimo kada kilowatt hour ang tax at gayon din naman ang transmission charge.

Hindi naman gumalaw ang distribution charge at metering charges ng MERALCO matapos itong bumaba noong nakaraang taon.

Nakatulong rin ang ibinalik ng outage allowance ng mga power plant.

Kapag hindi nauubos ng mga planta ang kanilang allowance para sa isang taon ay ibinabalik nila ito dahilan upang magkaroon ng maraming supply pagpasok ng Enero.

Sa mga komokonsumo ng 200 kilowatt kada buwan magkakaroon ng P41 na bawas sa singil sa kuryente, 61 pesos sa 300 kilowatt, 82 pesos sa 400 kilowatt at 103 pesos sa 500 kilowatt na konsumo kada buwan.

Simula rin sa Pebrero, tatlong planta ang may schedule outage at dalawa naman sa Marso, pag nagkakaroon ng schedule outage apektado nito ang presyo ng kuryente.

Inilipat ng mga planta ang kanilang scheduled maintenance ng Pebrero at Marso upang hindi matapat sa eleksyon sa Mayo.

Tiniyak naman ng MERALCO na magkakaroon ng sapat na supply ng kuryente sa darating na eleksyon sa Mayo.

Dagdag ng MERALCO, ayon sa kanilang datos, buwan rin ng Mayo nagsisimula ang pinakamataas na konsumo ng kuryente dahil sa panahon ng tag-init.

Makikipagugnayan na rin ang MERALCO sa mga participant ng Interruptible Load Program o ILP upang makapaghanda sa summer season.

Ang payo ng MERALCO sa mga customer, ugaliin ang pagtitipid sa kuryente upang makatulong na mapanatili ang sapat na supply nito.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,