Singil sa kuryente ng Meralco, bababa ngayong buwan

by Radyo La Verdad | January 8, 2018 (Monday) | 5127

Hindi na maiiwasan ang epekto ng excise tax sa presyo ng mga bilihin kabilang na ang singil sa kuryente.

Ayon sa Manila Electric Company o Meralco, tuloy na tuloy na ang kanilang taas-singil dulot ng dagdag na buwis sa coal.

Subalit bago ito, sinigurado ng Meralco na makakaranas muna ng kaunting ginhawa ang mga consumers dahil sa bababa ang singil sa kuryente ngayong buwan ng Enero. Pero simula sa buwan ng Pebrero, mararamdaman na ng consumers ang epekto ng excise tax sa coal sa kanilang mga electric bill.

Ayon sa Meralco, 31% lamang ang coal sa kanilang pinagkukunan ng kuryente at ang natitirang bahagi ay mula na sa natural gas ng Malampaya. Ibig sabihin, posible na hindi masyadong magiging malaki ang patong ng dagdag-buwis sa singil sa kuryente.

Dagdag pa ng Meralco, mas malaki ang epekto ng excise tax sa ibang mga electric cooperative na gumagamit ng isang daang porsyentong coal bilang source ng kuryente.

Naniniwala naman ang Center for Energy, Ecology and Development o CEED na hindi dapat tumaas ang singil sa kuryente kahit mayroong excise tax.

Ayon sa grupo, kahit sumahin ang kinita ng mga coal power plant, hindi pa rin ito malulugi sa laki ng kinita ng mga ito apat na pung taon na ang nakakaraan na kung saan hindi ito nabuwisan.

Kung ang dagdag-buwis sa coal sa Pilipinas ay nasa 50 to 150 pesos lamang per metric ton, sa mga kalapit bansa ay umaabot ito sa 900 to 1200 pesos.

Ayon naman sa Meralco, sumusunod lamang sila sa batas at kung ano man ang ipapasa ng mga power supply company, ito ay pass thru charges lamang at wala silang kinikita mula dito.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,