Singil sa kuryente ng Meralco, bababa ngayong buwan

by Radyo La Verdad | December 8, 2017 (Friday) | 4201

38 centavos per kilowatt hour ang ibababa ng singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan ng Disyembre. Para sa mga costumer ng Meralco na komokonsumo ng 200 kilowatt kada buwan, makakatipid ito ng seventy five pesos one hundred thirteen pesos naman sa komokonsumo ng 300 kilowatt, one hundred fifty one sa 400 kilowatt at halos dalawang daang piso sa mga komokonsumo ng 500 kilowatt kada buwan. Paliwanag ng Meralco, isa ang pagbaba ng generation charge sa nakatulong para bumaba ang singil ng kuryente.

Subalit pinangangambahan namang magkaroon ng epekto sa presyo ng kuryente ang ipapataw na excise coal tax dahil mapupwersa nito na magtaas ng singil ang mga coal fired power plants sa bansa.

Sa Pebrero sa susunod na taon posibleng maramdaman ang epekto ng dagdag buwis sa coal. Ayon sa Meralco, hindi ito masyadong magiging mataas dahil maliit na porsyento lamang ang coal sa kanilang pinagkukunan ng kuryente, malaking bahagi ng kuryente na binibili ng Meralco ay nagmumula sa planta ng malampaya natural gas na nagbebenta ng mas murang halaga ng kuryente.

Bukod dito, nagbabadya din na tumaas ang singil sa kuryente ng mga taga Luzon dahil sa inilabas na desisyon ng Court of Appeals sa apela ng mga power generation companies.

Hinihiling ng mga generation companies na mabawi ang nalugi noong November hanggang December 2013 na aabot sa 17 billion pesos, ito ay kaugnay ng matagal na maintenance shutdown ng Malampaya kaya napilitan ang mga generation companies na bumili ng mas mahal na kuryente.

Subalit pinigil ng Energy Regulatory Commission o ERC ang pagtataas ng singil ng mga generation companies dahil hindi umano ito makatwiran. Ngunit nitong Nobyembre binaliktad ng CA ang desisyong ito ng ERC.

Nakatakda pang maghain ng apela ang ERC sa desisyong ito ng CA. Kung walang magiging pagbabago, ang 17 billion pesos na sinisingil ng mga generation companies ay ipapasa ng mga power distributors sa may 12 milyong consumer sa Luzon Region.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,