Singil sa kuryente ng Meralco at toll sa NLEX, tataas ngayong Buwan

by Radyo La Verdad | March 8, 2019 (Friday) | 12223

METRO MANILA, PHILIPPINES – Tataas ng higit walong sentimo kada kilowatt hour ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong Marso. Ibig sabihin kung ang isang customer ay kumonsumo ng 200 kilowatt kada buwan, P18 ang madadagdag sa electric bill, P27 kung umabot sa 300 kilowatt ang konsumo at P45 naman kapag umabot sa 500 kilowatt ang konsumo.

Ayon sa Meralco, bunsod ito ng pagtaas ng singil sa whole sale electricity spot market dulot ng manipis na suplay ng kuryente sa Luzon at dahil na rin sa maintenance shutdown ng ilang planta.

Dagdag pa ng Meralco, bagaman hindi pa opisyal na pumapasok ang dry season ay natural lamang na tumaas ang singil ng kuryente kapag panahon ng tag-init.

“The next 4 months, March, April, May and probably middle part of June, makikita po ninyo sisipa na ‘yung konsumo, with that you can expect electricity bills to go up as well, mas marami kang ginagamit na kuryente.” ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

“As demand increases and supply right now is a bit challenge because of the series of yellow alerts then definitely there will be pressure for prices to go higher.” saad pa niya.

Inaasahan din ng Meralco na mas tataas ang demand ng kuryente dahil sa epekto ng El Niño lalo na sa darating na buwan ng Mayo. Sa kabila nito, tiniyak ng Meralco na sisikapin nilang hindi magka-brown out sa mismong araw ng eleksyon.

“We are all planning na huwag tayong magkaroon ng any adverse events pero we are also prepared for any possibility to ensure na hindi ma-disrupt ang elections.” ani Larry Fernandez.

Samantala, nakararanas naman ng mahinang pressure ng tubig ang libo-libong customers ng Manila Water kahapon dahil malapit nang umabot sa critical level ang tubig sa La Mesa Dam na siyang pangunahing pinagkukunan ng Manila Water ng suplay ng tubig para sa kanilang customers.

Ayon kay Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla, malapit ng umabot sa 60 meters na critical level ang tubig sa nasabing dam kung kaya’t kinailangan nilang magbawas ng suplay ng tubig.

Kabilang sa mga lugar na maaapektuhan ng limitadong suplay ng tubig ay ang Marikina, Pasig, Taguig at ilang bayan sa Rizal.

“Unang una, inannounce na ng PAGASA na meron tayong El Niño. Kinakailangang mag-reduce tayo ng production, so ibig sabihin medyo kulang ‘yung suplay natin tapos ngayon na malapit na sa critical level ‘yung lamesa, may further reduction kapa ibig sabihin nito medyo tight talaga ang suplay natin” ani Sevilla.

Isa pa sa mga magtataas ng singil ay ang Toll Fee sa North Luzon Expressway (NLEX) simula sa March 20.

Para sa open system na sumasakop sa Balintawak, Mindanao Avenue, Karuhatan, Valenzuela, Caloocan, Meycauyan at Marilao, Bulacan, P10 ang ipapataw na dagdag sa Class 1 Vehicle, P23 sa Class 2 habang P29 sa Class 3 na mga sasakyan.

Sa closed system naman mula sa Balintawak at Mindanao Avenue hanggang Sta. Ines at Mabalacat City, tataas ng 18 centavos per kilometer ang toll rate.

P22 ang dagdag sa Class 1 vehicles, P56 kung Class 2 at P67 naman para sa Class 3 na sasakyan.

Dahil dito, inaasahang magtataas din ang presyo ng mga gulay sa palengke dahil sa dagdag na gastos ng pag-aangkat ng mga ito mula sa Hilagang Luzon.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,