Singil sa kuryente, inaasahang bababa sa mga susunod na buwan

by Radyo La Verdad | August 14, 2019 (Wednesday) | 3223

Nasa 172 pesos ang posibleng mabawas sa electric bill ng isang pamilyang kumukonsumo ng 200 kilowatts per hour kada buwan.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, ito ay dahil sa pagsasabatas ng murang kuryente act o Republic Act number 11371. Pinirmahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong August 8, 2019.

Batay sa naturang batas, matatanggal na sa monthly electric bill na pinapasan ng mga consumer ang Universal Charge sa Stranded Debts o UC-SD at Stranded Contract Costs o UC-SCC.

Kasalukuyang pinapasan ng bawat household ang utang na ito ng National Power Commission o NAPOCOR bilang bahagi ng singil sa kuryente.

Kukunin na ang pondo ng pambayad utang sa pamamagitan ng share ng pamahalaan sa production proceeds ng malampaya natural gas project sa palawan na nagkakahalaga ng 208 billion pesos.

Inaasahan namang maging epektibo ang batas oras na maaprubahan ang Implementing Rules and Regulations nito o IRR, 90 araw matapos mapirmahan ang murang kuryente act.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,