Sin Tax Bill, inaasahan ng DOH na maipatupad sa Hulyo

by Radyo La Verdad | February 5, 2019 (Tuesday) | 6541

Manila, Philippines – Inihayag ni Health Undersecretary Eric Domingo na posibleng maisabatas na ang panukalang dagdagan ang buwis sa sigarilyo o ang Sin Tax Bill.

Ayon kay Domingo, kinakailangan munang maisumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ang committee report ng Senado kaugnay ng mga pagdinig sa panukala bago ito i-certify bilang urgent ng Punong Ehekutibo.

Sa darating na Mayo, kung kailan babalik ang sesyon ng Kongreso, inaasahan ng Department of Health (DOH) na maipasa na ang panukalang batas at sa Hulyo ito maipatutupad.

Matatandaang sinabi ng palasyo na sang-ayon si Pangulong Duterte na mapabilis ang pagpapasa ng dagdag excise tax sa sigarilyo gayundin sa alak.

Kukunin dito ng pamahalaan ang pondo para maipatupad ang Universal Health Care Bill.

Una nang naaprubahan sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang dalawang panukalang nagdadagdag ng 2.50 pesos excise taxes sa sigarilyo kada taon simula Hulyo 2019 hanggang 2022 noong Disyembre 2018.

Samantalang sa Senado naman, isinusulong ang panukalang 60 pesos na buwis kada isang kaha ng sigarilyo.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,