Pinasimulan na ng Department of Health (DOH) sa iba’t ibang munisipalidad sa Eastern Visayas ang simultaneous Measles-Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity sa unang araw ng Pebrero.
Pinamagatang “Chikiting Ligtas” ang nasabing kampanya ng DOH na layong bakunahan ang lhat ng mga bata sa rehiyon laban sa mga nakamamatay na sakit gaya ng Polio at Tigdas.
Prayoridad ng ahensiyang bakunan ang mga batang edad 5 taon pababa ng Oral Polio Vaccine habang Measles-Rubella Vaccine naman sa mga batang 9 na buwang gulang hanggang 5 taon.
Nakapagtalaga na rin ang lokal na pamahalaan at DOH sa rehiyon ng mga nurse at iba pang mga health workers na siyang maglilibot at magbabakuna sa bawat baranggay na kanilang nasasakupan upang masigurong mabakunahan ang lahat ng mga bata.
Hinikayat naman ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, lalo na ang mga taclobanon, na samantalahin na ang pagbabakunang ito upang maiwasan ang anumang komplikasyon na maaaring kaharapin ng mga magulang.
Nagpaalala rin ang Department of Health sa publiko na walang babayaran o libre ang nasabing pagbabakuna.
(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)