Simulation para sa pagdating ng unang batch ng Covid-19 sa bansa, gagawin sa susunod na Linggo – Sec. Galvez

by Erika Endraca | January 15, 2021 (Friday) | 1523

METRO MANILA – Isang simulation ang gagawin ng pamahalaan para paghandaan ang pagdating ng unang supply ng Covid-19 vaccine sa Pilipinas.

Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. Magkakaroon ng national rehearsal sa susunod na Linggo.

Bibisitahin din umano ang lahat ng mga siyudad para masiguro ang paghahanda ng mga Local Government Unit (LGU).

“Mayroon po kaming time-in motion. At saka yung tinatawag na walkthrough na gagawin po namin. Bibisitahin po namin . Ang airport, at titingnan po namin, just in case iaassimulate po namin yung pagdating ng unang vaccine. Then from there, pupunta po tayo sa mga warehouse, sa mga cold chain, at iinspect po natin ag readiness ng RITM.” ani Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr.

Pagtitiyak ni Galvez, magiging handa na ang bansa bago matapos ang buwan para sa pagdating ng bakuna.

Nagpahayag naman ng tulong ang pribadong sektor sa pagdadala ng ilang Covid-19 vaccines sa Pilipinas.

Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Romualdez, tutulong na sa shipping at distribusyon ng moderna vaccines ang int’l container terminal service inc. Mula sa Spain papuntang Pilipinas nang walang gastos sa gobyerno.

Hindi pa naglalabas ng detalye ang kumpanya sa pagdala ng bakuna sa bansa. Ayon naman sa Philippine Coast Guard (PCG), hindi pa nila napag-uusapan ang distribusyon ng bakuna.

Wala rin daw kasing cold storage facility ang kanilang mga barko. Pero nakahanda naman aniya ang pcg kung sakaling kailanganin ang kanilang tulong.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,