Simple at maikling programa, nais ni Presumptive Pres. Rodrigo Duterte sa kaniyang inagurasyon

by Radyo La Verdad | May 24, 2016 (Tuesday) | 1448

RODRIGO-DUTERTE
Isinaysay ni Presumptive President Rodrigo Duterte ang nais niyang maging programa para sa nalalapit na oath taking ceremony sa June 30.

Taliwas sa tradisyon, hindi sang-ayon si Duterte na isagawa ang inagurasyon sa Quirino Grandstand.

Ito ay dahil ayaw niya na makaistorbo o makaapekto sa daloy ng trapiko sa Maynila ang gaganaping makasaysayang programa na panunumpa bilang ika-labing anim na pangulo ng Pilipinas.

Ayon kay Duterte mas mabuting ganapin ang seremonya sa palasyo ng Malakanyang kung saan kaunti lamang ang nais niyang makadalong bisita.

Ayaw rin ng bagong pangulo ng magarbong handaan

Isang maikling national address lang din ang kanyang ibibigay pagkatapos ng seremonya.

Sa ngayon wala pang desisyon ang incoming president kung maguuwian sa Davao o mananatili sa Malakanyang o sa bahay pangarap na ginawa na ring official residence ni Pangulong Benigno Aquino The Third.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: ,