METRO MANILA – Ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng kapangyarihan ng veto ang panukalang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar, naging dahilan ng pag-veto ng Punong Ehekutibo ay ang probisyon ng consolidated Senate Bill No. 2395/House Bill No. 5793 na mandatory ang pagrerehistro ng mga social media accounts bilang isa sa mga requirements na ito’y wala sa orihinal na bersyon at kinakailangan ng masusing pag-aaral tungkol dito.
Dagdag pa ni Sec. Andanar, bagama’t kinikilala ng Pangulo ang mga hakbang ng Kongreso sa paghahanap ng mga paraan kung paano matutugunan ang tumataaas na insidente ng cybercrime at mga paglabag kaugnay sa information and communications technology (ICT), hindi aniya ito sang-ayon na isama ang social media registration sa nasabing batas nang walang kaukulang depenisyon at panuntunan.
Pinangangambahan ng Pangulo na kung sakaling maisabatas ito ay malalabag lamang ang mga karapatan ng mamamayan na nakasaad sa Saligang Batas gaya ng “right to privacy of communication”, karapatan sa malayang pamamahayag at maging ang data privacy.
(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)