METRO MANILA – Pasado na sa House Committee on Information and Communications Technology ang panukalang batas na magmamandato sa pagpaparehistro ng sim cards.
Layon ng panukala na masawata na ang paggamit ng mobile phones sa paggawa ng krimen at masugpo ang lumalaganap na text scams sa bansa.
Sa ilalim ng consolidated House Bill Number 14, ire-require na ng mga public telecommunication entities at authorized sellers ang mga end user na punuan ang isang number registration form.
Hihingiin dito ang pangalan ng subscriber, birth date, kasarian, address, assigned mobile number at serial number.
Dapat ay kalakip nito ang katunayan ng iisa lamang ang taong humarap sa seller at ang nag-accomplish ng naturang form.
Dapat din ay makapag presenta ng valid id.
Ang tatanggi sa registration requirement, hindi papayagang mapagbentahan ng sim card.
Dapat din aniya ay confidential ang registration documents maliban na lamang kung may pahintulot ng subscriber ang pag-access dito o di naman kaya’y ipag-utos ng korte o hilingin ng mga otoridad.
May kaakibat na parusa at multa mula P300,000 – P1-M ang mga telecommunication entities, authorized sellers at miyembro ng otoridad na mapatutunayang lalabag sa batas.
Sa Senado, ilang mambabatas rin ang umaasang maisasabatas na sim card registration bill at masawata na ang anila’y nakababahalang problema sa paglaganap ng text scams.
Magsasagawa na ng pagdinig ang Senate Committee on Public Services sa Huwebes (September 8) sa pangunguna ni Senator Grace Poe.
Matatandaang noong Abril, vineto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sim card registration bill na ipinasa ng 18th Congress dahil sa probisyon sa mandatory social media registration.
(Harlene Delgado | UNTV News)