Ilang linggo na lamang ay balik-eskwela na uli ang mga mag-aaral kaya naman puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Department of Education.
Gayunman, nananatiling problema ang siksikan ng mga estudyante dahil sa kakulangan ng mga magagamit na maayos na silid-aralan.
Dito sa Tarlac City, sapat naman ang bilang ng classrooms sa ratio ng mga mag-aaral ngunit hindi naman ito lahat magagamit dahil luma na ang mga gusali.
Ang resulta, nagsisiksikan pa rin sa isang classroom ang hanggang 56 na mag-aaral na mas marami kumpara sa 40 to 45 ideal student population sa bawat klase, gaya ng nangyayari sa Sapang Tagalog Elemenrtary School.
Kaya naman malaking tulong ang ibinigay na dalawang bagong classroom ng isang Japan-based institution lakip ang ilang gamit pang-eskuwela.
Labindalawang paaralan na sa buong bansa ang natulungan ng grupo na may layuning makatulong sa pagbibigay ng maayos na edukasyon sa mga Pilipinong mag-aaral.
Pangunahin nilang tinutulungan ay ang mga probinsya kung saan isinagawa ang death march gaya ng Bataan, Pampanga at Tarlac.
Kumpleto rin sa gamit ang dalawang classrom gaya ng mga upuan, computer at tv monitor para sa instructional lessons.
(Bryan Lacanlale / UNTV Correspondent)