Signature campaign, inilunsad upang himukin si Congw. Leni Robredo na tumakbo bilang VP ni Mar Roxas

by Radyo La Verdad | September 8, 2015 (Tuesday) | 1119

ROBREDO
Sa kabila ng naging pahayag ni Camarines Sur Representative Leni Robredo na hindi pa siya handa na tumakbo sa mas mataas na posisyon, buo naman ang tiwala ng iba’t iba grupo sa kanyang kakayahan at kwalipikasyon.

Kanina, inilunsad ng Leni Robredo for Vice President Movement at ng iba’t ibang samahan ng maralitang taga lungsod ang signature campaign upang kumbinsihin si Robredo na tumakbo bilang Bise Presidente.

Isang milyong pirma ang target na makalap upang mahimok ang kongresista na maging running mate ni DILG Sec. Mar Roxas na pambato ng partido Liberal.

Ayon kay dating Congressman Erin Tañada, si Robredo ang nakikita nilang karapat dapat na maging katuwang ni Roxas upang ituloy ang mga adhikain ng daang matuwid ng Administrasyong Aquino.

Para naman sa isang grupo ng maralitang tagalungsod, suportado nila si Robredo dahil sa pagiging tapat at mabait nito at wala itong bahid ng katiwalian.

Una nang sinabi ni Robredo na sa tingin niya ay kulang pa siya ng karanasan upang tumakbo sa mas mataas na posisyon.

Ngunit para sa kanyang mga taga suporta, may sapat itong karanasan sa paglilingkod at pakikisalamuha sa kanyang nasasakupan.

Bagamat tatlong taon pa lamang sa kongreso si Robredo nasaksihan naman nito ang pamamalakad ng kanyang yumaong asawang si DILG Sec. Jesse Robredo na nanungkulan bilang alkalde ng Naga City sa loob ng labing walong taon.

Tatagal ang signature campaign hanggang sa buwan ng Oktubre bago ang filing ng certificate of candidacy.

Magkakaroon din ng online petition at kampanya sa pamamagitan ng social media.

Ayon pa kay dating Congressman Tañada, isusulong niya ang nominasyon ni Robredo bilang Bise Presidente sa nalalapit na pulong ng partido Liberal. ( Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: , ,