Signal number 1, nakataas sa ilang lugar sa bansa habang papalapit ang Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 13, 2018 (Thursday) | 2511

Napanatili ng Bagyong Ompong ang taglay nitong lakas ng hangin habang papalapit sa bansa. Namataan ito ng PAGASA kaninang alas tres ng madaling araw sa layong 855km sa silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 205kph at pagbugso na aabot sa 255kph, kumikilos ito pakanluran sa bilis na 30kph.

Inaasahang sa Sabado ng umaga ay tatama o magla-landfall ang mata ng bagyo sa northern tip ng Cagayan.

Nakataas ngayon ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Cagayan, Isabela, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Quezon Including Polilio Island, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes, Burias and Ticao Islands, at Northern Samar.

Makakaranas na ng mga pag-ulan at pagbugso ng hangin sa Bicol at Northern Samar dahil sa Bagyong Ompong.

May kalat-kalat din na mga pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao, nalalabing bahagi ng Visayas, Cagayan Valley, Aurora, Quezon at Palawan.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas din ng papulo-pulong pag-ulan.

Bawal na pumalaot ang mga sasakyang pangisda at maliliit na sasakyang pandagat sa Northern seaboard ng Northern Luzon at Eastern seaboards ng bansa dahil sa taas ng mga pag-alon.

Pinapayuhan din na lumikas ang mga nakatira malapit sa baybayin ng dagat sa lugar na dadaanan ng bagyo lalo na sa Cagayan at Isabela dahil maaaring umabot sa 6 na metro ang storm surge o daluyong.

Ito ay ang pagtaas ng lebel ng tubig sa dagat kung saan maaaring apawan ang mga bahay sa mga coastal area.

 

Tags: , ,