Signal no. 1 itinaas sa Batanes, habang papalapit ang bagyong Hanna sa lalawigan

by dennis | August 5, 2015 (Wednesday) | 1758

AUG6

Itinaas na sa Storm Signal No.1 ang probinsya ng Batanes habang papalapit ang bagyong Hanna (international name: Soudelor) ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa datos ng PAGASA, ang bagyong Hanna ay may lakas ng hangin na aabot sa 175 kilometers per hour (kph) at pagbugso ng hanggang 210 kph.

Namataan ang bagyo sa layong 910 kilometers sa silangang bahagi ng Basco Batanes kaninang alas-6:00 ng umaga habang patuloy nitong binabagtas ang direksyong kanluran hilagang-kanluran na may bilis na 20 kph

Bagaman hindi tatama ng kalupaan si Hanna, palalakasin naman nito ang hanging habagat na makakaapekto sa ilang lugar sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Nagbabala pa rin ang PAGASA sa posibleng pananalasa ng flashflood at landslide sa bahagi ng Bicol, Visayas, Mindanao at sa lalawigan ng Palawan.