Signal #1, itinaas na sa ilang lugar sa Mindanao dahil sa paglapit ng Bagyong Samuel

by Radyo La Verdad | November 19, 2018 (Monday) | 2457

Napanatili ng Bagyong Samuel ang taglay nitong lakas habang patuloy na lumalapit sa bansa.

Namataan ito ng PAGASA kaninang alas quatro ng madaling araw sa layong 660km sa east southwest ng Hinatual, Surigao del Sur. Taglay nito lakas ng hangin na 55km/h at pagbugso na aabot sa 65km/h.

Kumilos naman si Samuel pa-west northwest sa bilis na 15km/h at bukas ng gabi ay posibleng tumama o mag-landfall ang sentro nito sa mga lugar ng probinsya ng Surigao.

Sa ngayon ay nakataas ang tropical cyclone warning signal #1 sa Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte at Dinagat Island Provinces.

Makararanas sa lugar ng mga pag-ulan at pag-bugso ng hangin sa loob ng 36 na oras.

Ayon sa PAGASA, makakaranas ng malalakas na pag-ulan sa Caraga Region, Davao Oriental, Compostela Valley, Southern Leyte, Bohol, Camiguin at Misamis Oriental.

Posible ring makaranas ng mga biglaan pagbaha at pagguho ng lupa.

Ang dalang lakas ng Bagyong Samuel ay posibleng makapinsala ng mga bahay o istrukturang gawa ng mahinang klase ng materyales at makakasira din ng mga pananim gaya ng palay.

Mapanganib na pumalaot sa mga baybayin sa Eastern Visayas at Mindanao dahil sa taas ng mga pag-alon.

 

Tags: , ,