Severe at critical COVID-19 cases, posibleng dumami sa buwan ng Agosto – DOH

by Radyo La Verdad | June 16, 2022 (Thursday) | 7345

METRO MANILA – Batay sa projection ng Department of Health (DOH) sa susunod na 2 buwan maaaring tumaas muli ang bilang ng mao-ospital dahil sa COVID-19.

Ayon sa DOH pangunahing dahilan nito ang waning immunity o pagbaba ng bisa ng COVID-19 vaccines habang nagtatagal mula nang mabakunahan.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang mga projection na ito ay makakapagbigay giya sa pamahalaan na maghanda at mag-plano bago pa man ito mangyari.

Ipinaliwang din naman ng DOH na hindi pa maaaring ilagay sa alert level 2 ang NCR kahit na may bahagyang pagtaas ng kaso nitong nakalipas ng 2 linggo.

Ayon kay Usec Vergeire, nananatiling nasa low risk classification ang Pilipinas at ang NCR.

May batayan din ang mga eksperto upang magpasaya kung kailang iakyat sa alert level 2 ang isang lugar sa bansa.

Ayon sa DOH para masabing kailangang maghigpit ng alert level system sa bansa dapat maging 6,600 COVID-19 cases per day sa loob ng 2 linggo ang maitala, 818 cases per day naman sa Metro Manila.

Nguni’t sa ngayon nasa 270 COVID-19 cases per day pa rin ang naitatala naman sa buong  bansa.

170 cases per day pa rin naman sa NCR, malayo pa ito sa metrics ng mga eksperto para masabing kailangan  nang iakyat sa alert level 2 at higpitan ang umiiral na protocols.

Samantala, batay sa panibagong resulta ng genome sequencing nitong June 13, mayroong 39 na bagong nakumpirmang kaso ng Omicron variants sa bansa.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,