Serbisyo ng tubig sa Metro Manila at karatig probinsya, naputol nang walang abiso

by Radyo La Verdad | August 15, 2018 (Wednesday) | 6351

Nabigla ang mga residente sa Maynila nang mawalan ng tubig sa kanilang lugar kahapon.

Anila, walang abiso ang Maynilad o ang lokal na pamahalaan kaugnay sa ipatutupad na water interruption.

Napansin na ng ilang residente sa Barangay 330 ang paghina ng tubig sa kanilang gripo kahapon pa lamang ng umaga, ngunit bandang alas tres ng hapon ay tuluyan na itong nawala.

Wala nang nagawa ang mga residente kundi maghintay sa mga bumbero na magrarasyon ng tubig sa mga apektadong lugar.

Naglabas ng emergency water service advisory kagabi ang Maynilad kaugnay ng pagkaantala sa serbisyo ng tubig.

Batay sa abiso, ang pansamantalang pagkawala ng kanilang serbisyo ay dahil umano sa matinding paglabo ng tubig na nakokolekta sa Ipo Dam bunsod ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat sa mga nagdaang araw.

Kaya napilitan umano ang Maynilad na magbaba ng produksyon ng tubig sa La Mesa Treatment Plants.

Kabilang sa apektado ng water service interruption ang ilang barangay sa Maynila, Caloocan,  Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Makati, Pasay, Parañaque, Las Piñas at Muntinlupa.

Makararanas rin ng mga pag-antala sa serbisyo ng tubig ang ilang residente sa Bulacan at Cavite.

Depende sa lungsod ang oras ng pagkakaroon ng supply ng tubig ng Maynilad ngunit karamihan ay mawawalan ng serbisyo pagdating ng gabi.

Ayon pa sa Maynilad, hanggang Biyernes ipatutupad ang rotational water supply availability sa mga apektadong lugar.

Para sa kumpletong detalye kung kasama ang inyong lugar sa mga apektado ng water interruption, magtungo lamang sa mga social media sites ng Maynilad.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,