METRO MANILA, Philippines – Hindi lamang sa pagpasok sa Magic 12 natatapos ang laban ng mga personalidad na sumasabak sa 2019 midterm elections. Simula pa lamang ito ng kanilang laban para sa pagsabak sa mundo ng lehislatura.
Ano nga ba ang trabaho ng isang Senador? Simple lang. Ang gumawa ng batas.
Kung ikaw ay papalarin, ikaw ay mamumuno ng isa o ilang pang mga komite.
Sa Senado, may apatnapung komite. Pangkaraniwan, kung saan ang iyong interes o kasanayan ay doon ka ilalagay bilang Chairman o Committee Member.
Halimbawa, kung papalalarin na manalo si dating Special Assistant Bong Go, saan kaya siya posibleng ilagay? Dahil bisyo niya ang magserbisyo, maaari siyang matalaga sa Committee On Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe.
Kung makapapasok naman si dating PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa, ang dati ring pinuno ng PNP na si Senator Panfilo Lacson ang makakasama niya sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Isa pa sa inaabangan dito ay kung sino ang hahawak ng itinuturing na makapangyarihang komite ng Senado, ang Blue Ribbon Committee na nagiimbestiga ng mga katiwalian, korapsyon sa pamahalaan. Dito maaring pumasok si Chel Diokno. Dahil sa kanyang kasanayan sa larangan ng Human Rights bilang abugado. ‘Yan ay kung makapasok din sya sa Magic 12.
Si Mar Roxas naman maaaring magbalik sa dati nyang hinawakan noong Senador pa ito noong 2006, bilang Chairman ng Senate Committee On Trade And Commerce. Kung makakapasok din sya sa doseng Senador ngayong halalan.
Sa ngayon kung paguusapan ay liderato ng mataas na kapulungan ng Kongreso, dalawang beteranong Senador ang nakikita ni Senate President Vicente Sotto III na posibleng pumalit sa kaniya.
“Senator Lacson, Senator Drilon they have leadership qualities,” pahayag ni Sotto.
Wala pa rin aniyang pahiwatig o pakikipagusap sa ngayon kung may nagnanais na palitan na siya bilang lider ng Senado. Kahit bulungan lang.
“Wala, wala namang kumakausap sa akin,”ani Sotto.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: 2019 midterm elections, COMELEC, CONGRESS, Senate