Senator Trillanes, maghahain ng reklamong plunder laban kay Senator Gordon sa Office of the Ombudsman ngayong araw

by Radyo La Verdad | November 8, 2017 (Wednesday) | 3623

Maghahain ngayong umaga si Senator Trillanes IV ng reklamong plunder laban kay Senate Blue Ribbon Committee Chair Senator Richard Gordon.

Kaugnay umano ito ng ma-anomalyang paggamit ni Gordon sa pondo ng Philippine National Red Cross noong siya nanunukulan pa bilang chairman nito kasabay ng unang termino ng kaniyang pagka-senador.

Ayon kay Trillanes, ginamit umano ni Gordon ang kwestionableng pondo upang gastusan ang pangangampanya nito ng nakaraang eleksyon.

Bukod sa isasampang kaso, susulatan rin umano ni Trillanes ang Commission on Audit at International Federation of Red Cross upang hilingin na magsagawa ng special audit sa pondo ng Philippine National Red Cross.

Sa muling pagbubukas ng sesyon ng Senado, kukumbinishin rin umano ni Trillanes ang kaniyang mga kapwa senador na patalsikin na sa pwesto bilang chairman ng Blue Ribbon at Justice Committee na si Sen. Gordon.

Nito lamang Oktubre, naghain na rin ng ethics complaint si Trillanes laban kay Gordon dahil sa naging iringan nila sa pagdinig kaugnay ng droga sa Bureau of Customs.

Bukod kay Gordon,magsasampa na rin ng libel complaint si Senator Trillanes laban naman sa blogger ng Thinking Pinoy na si RJ Nieto, ito’y matapos ang umano’y pagpapakalat ni Nieto sa kaniyang isinulat na column kung saan sinabi nito na tinawag umanong ni U.S President Donald Trump na little narco si Trillanes.

Sa facebook page ng Thinking Pinoy, makikita ang post ni Nieto kung saan tila minaliit nito ang isasampang kaso sa kaniya ng senador.

Kasama rin sa mga kakasuhan ng libel ang koluminista na si Yen Macabenta ng Manila Times, matapos nitong bansagan ng 24-minute disaster ang panayam ng BBC kay Trillanes nito lamang Hunyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,