Retired Police Chief Supt. Diosdado Valeroso, posibleng makasuhan dahil sa paglabag sa Republic Act 4200 ayon kay Senate President Franklin Drilon

by Radyo La Verdad | January 25, 2016 (Monday) | 3454

MERYLL_DRILON
Nagbigay ng babala si Senate President Franklin Drilon kay retired police Chief Supt. Diosdado Valeroso na ang pagri-record sa isang usapan na hindi pinahihintulutan ay labag sa batas at maaaring makulong ng anim na buwan hanggang isang taon.

Tinutukoy ng senador ang hawak na audio recording ni Valeroso na umanoy usapan ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan at mambabatas upang mapagtakpan ang naging Mamasapano massacre at hindi maapektuhan ang pagpasa sa BBL.

Ayon kay Drilon, nakasaad sa Republic Act 4200 na ang pag wa-wire tapping ay ipinagbabawal ng batas at hindi pwedeng magamit bilang ebidensya sa mga imbestigasyon.

Sinabi ni Valeroso na nakahanda itong ibigay ang kopya ng recording kay Senator Grace Poe na chairman ng komiteng nangangasiwa sa imbestigasyon ng Mamasapano massacre na muling bubuksan sa Miyerkules.

Samantala,sinabi ni Poe na hanggang ngayon ay wala pa ring natatanggap ang kaniyang komite na audio recording mula kay Valeroso at sinabi ng senadora na mismong si Valeroso ang nagsabi na kailangan muna nitong i-verify ang nasabing audio recording bago pagkasunduan ng kaniyang komite kung gagamitin ang nasabing ebidensya.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,