Senator De Lima, hindi na isasailalim sa operasyon matapos na matuklasang benign ang bukol sa atay

by Radyo La Verdad | March 15, 2018 (Thursday) | 7389

Inilabas ng kampo ni Senator Leila De Lima ang resulta ng isinagawang CT Scan (tri phase) of the liver sa senadora noong Lunes sa Philippine Heart Center.

Lumabas sa pagsusuri na hindi malignant ang nakitang bukol sa atay nito, kaya’t hindi kailangang sumailalim sa operasyon ang mambabatas.

Dahil dito, tiniyak ng senadora na wala nang dapat ipag-alala ang kanyang mga taga-suporta.

Ipinagpapasalamat rin ni De Lima ang balita at nangakong patuloy na gagampanan ang kanyang trabaho. Iginiit rin nito na hinding-hindi umano siya magpapanggap na may sakit para lamang makalaya o kumuha ng simpataya ng publiko.

Binigyang-diin rin niya na ngayong na-dismiss ang mga drug charges nina Kerwin Espinosa at Peter Lim, mas lalo tumibay ang kaniyang pagiging inosente sa mga kasong ibinibintang sa kanya at ang paniniwala na peke at palpak umano ang war on drugs ni Pangulong Duterte.

Dagdag pa ng senadora kahit nasa kulungan ipagpapatuloy pa rin niya ang paglaban sa umano’y kasinungalingan, panlilinlang at pang-aabuso sa kapangyarihan ng administrasyong Duterte.

Samantala, bagama’t kilalang kritiko ng pangulo si De Lima, hiniling pa rin ng Malacañang ang mabuting kalusugan para sa mambabatas.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,