Ikinadismaya ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang patuloy na pagtuturuan ng mga opisyal ng Philippine National Police at militar sa kung sino ang responsable sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force o SAF.
Aniya, mas naging katanggap-tanggap sana kung isa man lang sa mga nasabing opisyal ang umako ng command responsibility sa nangyari sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Sa ilalim ng tinatawag na Oplan Exodus, matagumpay na naitumba ang pinaghahanap na international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alias Marwan, ngunit ito’y nauwi rin sa pagkasawi ng 44 na myembro ng SAF matapos makipagbakbakan sa Moro Islamic Liberation Front, Bangsamoro Islamic Freedom Fighers at mga pribadong armadong grupo.
Muling naungkat sa pagdinig ang kakulangan ng maayos na plano at kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan para masiguro ang tagumpay ng Oplan Exodus mula simula hanggang sa paglikas ng mga myembro ng SAF na naiwan sa lugar.
Sa kabila nito, sinabi ni Escudero na hindi pa huli ang lahat para may umako ng responsibilidad sa nangyari para tuluyan nang umusad ang bansa mula sa trahedya.
(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)
Tags: Mamasapano tragedy, Senator Chiz, sisihan