Nagpadala ng liham si Senator Bongbong Marcos kay Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs chair Senator Grace Poe upang hilingin na isama sa listahan ng iimbitahan sa muling pagbubukas ng Mamasapano hearing si dating Justice Secretary Leila De Lima at Atty. Virgilio Mendez, Director ng National Bureau of Investigation na gaganapin sa January 27.
Ayon sa senador, mahalaga na dumalo sina De Lima at Mendez nang sa gayon aniya ay malaman ng komite kung ano na ang status ng mga kaso kaugnay sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police.
Saad ni Marcos, patuloy ang kaniyang panawagan sa DOJ na bilisanang preliminary investigation nito sa mga repondents sa Mamasapano massacre na nangyari noong January 25, 2015.
Nababahala si Marcos dahil sa kabila ng sinabi ng gobyerno na bibigyan nito ng katarungan ang pagkamatay ng SAF 44 wala pa ring kasong naisasampa sa korte halos isang taon na ang nakaraan matapos ang madugong insidente.
Nauna rito sinabi rin ni Marcos na gagamitin din niya ang pagkakataon sa naturang pagdinig para alamin ang katotohanan sa mga ulat tungkol sa umano’y reklamo ng dalawang biyuda ng SAF 44 na wala pa rin silang natatanggap sa mga ipanangakong tulong ng gobyerno.
Itinanggi ng pamunuan ng PNP ang naturang alegasyon at naglabas ng detalyadong ulat kung saan nakatala ang mga ayuda na umanoy naipamigay na nila sa pamilya ng SAF 44.
Sa kasalukuyan, dalawampu’t apat ang nasa listahan ng mga inimbitahang bisita sa pagdinig kabilang na sina Executive Secretary Paquito Ochoa, DND Secretary Voltaire Gazmin, Former DILG Secretary Mar Roxas at former PNP-SAF Director Getulio Napeñas.
(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)
Tags: former DOJ Secretary De Lima, Mamasapano massacre, NBI chief, Senator Bongbong Marcos