Handa ang mayorya ng Senado na sumailalim sa drug test.
Ito ay bilang sagot sa hamon ni Presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na magpadrug test ang mga senador matapos itong madawit sa imbestigasyon ng Senado sa umano’y pagdami ng kaso ng extrajudicial killings sa bansa.
Matatandaang inakusahan ng isa sa mga saksi sa senate probe na si self-confessed hitman Edgar Matobato na drug user si Vice Mayor Duterte.
Ayon sa bise alkalde mayroon itong kilalang senador na gumagamit ng cocaine ngunit hindi nito pinangalanan.
Ayon kay Senate Majority Leader Senator Tito Sotto, walang problema sa hamon ng vice mayor at katunayan dati na silang nagpa- drug test ni Sentor Honasan.
Sang ayon rin ang senador kahit na ang hair follicle drug test pa aniya ang isagawa.
Isa itong high-precision drug test na kayang ma- trace ang pitong uri ng illegal drug gaya ng cocaine, opiates, metamhetamine, marijuana, ketamine at benzodiapezine
Samantala, hinamon naman nila Sen.Panfilo Lacson, Sen. Antonio Trillanes IV at Sen. Juan Edgrado Angara si Vice Mayor Paolo Duterte na pangalanan ang tinutukoy na senador na umano’y cocaine user upang maipakita sa publiko na hindi nila ito kukunsintihin.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)