Napili ng Chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights Senador Aquilino Pimentel III na sa Davao City isagawa ang hearing ukol sa nangyaring madugong dispersal ng mga magsasakang nakasama sa isang protesta sa Kidapawan City.
Ito ay dahil malapit ang Davao City sa Kidapawan, kung saan manggagaling ang kanilang mga inimbitahang resource person, partikular ang mga magsasaka na nasugatan dahil sa insidente.
Ayon kay Senate Minority Floor Leader Alan Peter Cayetano na pakikinggan nila ang mga pahayag ng magkabilang panig upang mabatid ang pinagmulan ng kaguluhan at higit sa lahat mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Aalamin rin sa imbestigayon kung ano ang mga hakbangin na ginagawa ng Department of Agriculture upang matugunan ang problema ng mga magsasaka.
Naghanda na rin ng resolusyon sa lower house si Bayan Muna Congressman Neri Colmenares upang imbestigahan ang nangyari sa Kidapawan.
Samantala, ang Commission on Human Rights naman ay nagpadala na ng composite investigation team sa Kidapawan kahapon.
Binigyan ng direktiba ng komisyon ang investigation team nang hanggang Biyernes para sa initial report sa pangyayari.
Sa ngayon marami ng mga tauhan ng Commission on Human Rights ang nag-iinterview sa mga sangkot sa madugong dispersal noong Biyernes.
Nanawagan rin ng kooperasyon ang CHR sa ilang ahensiya ng pamahalaan sa gagawin nitong imbestigasyon sa insidente.
(Bryan de Paz/UNTV NEWS)
Tags: Commission on Human Rights, Kidapawan, Kidapawan dispersal incident, Senate Committee on Justice and Human Rights Senador Aquilino Pimentel III