Senate Draft Committee Report sa Mamasapano Clash, dinipensahan ng ilang senador

by monaliza | March 24, 2015 (Tuesday) | 1152

GRACE POE
Nanindigan ang ilang senador na tama ang nakasaad sa Draft Committee Report na masaker at hindi  misencounter ang nangyaring engkwentro noong January 25 sa Mamasapano, Maguindanao.

Tinutulan ito ni Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales sa kanyang  pahayag nitong weekend at sinabing hindi sya pabor na tawaging massacre ang Mamasapano Clash at ang Committee report ng Senado ay nagawa bunga ng emosyon.

Sagot naman ni Senador Grace Poe na chairperson ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ang ulat ng komite ay batay sa sinumpaang salaysay ng mga resource person at isinumiteng dokumento at ulat. Ang terminong “massacre” ay ginamit dahil sa pinatay ang ilang SAF troopers na sugatan at may buhay pa.

Depensa naman ni Senador Chiz Escudero, kahit sa anong dictionary tignan ay pasok sa masaker ang pagpatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force. Karamihan sa kanila’y binaril ng malapitan sa ulo batay sa PNP Report. Wala na ring nakikitang maaaring itawag ang Senador dito maliban sa massacre.

Ayon naman kay Senador Sonny Angara, dapat alamin ng CHR ang pananagutan ng mga sangkot sa engkuwentro partikular na ang taong bumaril sa nag-aagaw buhay na SAF commando sa kumalat na video.(Bryan de Paz,UNTV News Senior Correspondent)