Senate Defenders, wagi vs Malacanan-PSC Kamao sa game 1 ng UNTV Cup Season 6 finals

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 6072

Nasungkit ng Senate Defenders ang unang panalo sa best of three series ng UNTV Cup Season 6 finals kahapon sa Pasig  City Sports Center.

Tinambakan ng Defenders ang Malacanan PSC Kamao ng umabot pa sa mahigit  bente puntos  bago tinapos sa 77 – 62 ang score.

Hindi nakaporma sa mahigpit na depensa ng Defenders, ang opensa ng Kamao Team na mula umpisa ng ballgame ay nag hahabol ng puntos.

Tinanghal na best player of the game si Jeffrey Sanders na tumikada ng 13 points, tig tatlong rebounds at blocks at isang steal.

Malaking kawalan sa Malacanan Kamao si Michael Jimenez na pinatawan ng one game suspension dahil sa magkasunod na unsportsmanlike foul.

Bukod sa mga staff at benificiaries ng Senate Team, nanuod rin ng kanilang laban si Minority Leader Franklin Drillon.

Samantala, tinalo naman ng AFP Cavaliers sa makapigil hiningang sagupaan ang NHA Builders sa battle for third kahapon sa score na 85 – 84.

Sa first half ng ballgame ay dikit lamang ang puntos ng magkabilang koponan. Binomba ng mainit na opensa ng two time champion, ang Builders upang ilista ang 74-55 sa third quarter.

Ngunit bumuwelta ang NHA at gumawa ng 15-0 run sa loob ng anim at kalahating minuto ng last quarter upang makadikit sa 70-76.

Tinapos ng oras sa buzzer beater 3 point shot ni Alvin Vitug, ngunit kapos pa rin ng isang puntos ang NHA upang i-pwersa sana ang overtime game.

Tinanghal na best player of the game si Boyet Bautista na kumamada ng 12 points. 4 na steals at tig isang rebound at assist.

1 milyong pisong cash prize ang mapupunta sa beneficiary ng AFP Cavaliers na AFP Educational Benefit System Office sa 200 libong piso para sa kanilang koponan; habang ang NHA Provident Fund Asssociation na benificairy ng NHA Builders ay makatatanggap ng kalahating milyong piso at 100 libong piso naman para sa kanilang koponan.

Apat na milyong pisong cash prize naman ang naghihintay sa kampyon at dalawang milyong piso sa runner up team.

Sa darating na ika-12 ng Marso ay inaasahang mas matindi pa ang sagupaan ng Senate Defenders at Malacanan- PSC Kamao.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,