Sa kauna-unahang pagkakataon sasalang sa championship battle ang Senate Defenders mula ng sumali sa liga ng mga public servant noong Season 2.
Mula sa pagiging winless noong Season 5 ay nag level up ng husto ang koponan ng Senado.
“Talagang sabi namin talagang babalik kami, gagawin namin lahat. Work hard, play defense, teamwork, talagang to God be the glory, talagang yung mga pina-practice namin lumabas sa game,” sabi ni Senador Joel Villanueva.
Tinalo ng Defenders ang two-time champion AFP Cavaliers na may twice to beat advantage sa semi-finals sa score na 86 – 80 sa double header kahapon sa Meralco Gymnasium sa Ortigas Avenue sa Pasig City.
Sa first quarter, abante pa ng isang puntos ang AFP, 20 – 19 , umangat pa ito ng walong puntos sa second quarter 43 – 35.
Ngunit pagpasok ng third quarter, bumuwelta ng mahigpit na depensa ang Senado at naitala ang 15 to zero run at dumikit sa 60 all.
Nanatiling bantay sarado ng Senado ang koponan ng mga sundalo sa last quarter, gumawa ng 8 to zero run ang Senate upang agawin na ang momentum ng ball game hanggang sa maubusan na ng oras ang naghahabol na Cavaliers.
“Down kami noong halftime eh, yung players saka yung senators yung usapan talaga sa dugout depensa lang pare, yung depensa natin yun na opensa natin eh yun ang nangyari sa second half,” sabi ni Senate Defenders head coach Mike Fermin.
“Nagpapasalamat kami sa supporters namin, doon kumuha ng enerhiya at lakas ang aming players, doon sa support ng aming mga fans at syempre gusto namin panalunin yung championship para doon sa beneficiary namin. Thank you sa UNTV,” pahayag ni Senador Sonny Angara.
Nagpaalam sa liga ang AFP na may 9 – 3 win loss record kung saan dalawa sa pagkatalo ay sa semi-finals.
“Tingin ko, breaks of the game, nandoon naman eh bandang huli bumigay …breaks of the game,” pahayag ni AFP Cavaliers head coach CPL. Cornelio “Sonny” Manucat.
Samantala, ito naman ang ikatlong pagkakataon na tatangkain ng Malacañang Kamao na masungkit ang kampyonato. Noong Season 3 ay nabigo ang Kamao laban sa Judiciary Magis at noong Season 5 tinalo naman ng PNP Responders ang Malacañang sa best-of-three series.
Kahapon tinapos ng Malacañang ang kampanya ng NHA Builders sa do-or-die kahapon sa score na 88 – 82. Mula umpisa ng sagupaan, dikdikan ang Malacañang at NHA, ngunit sa huli mas nanaig ang Kamao team na beterano na sa liga.
“Alam naman namin hindi kami malakas, yung sistema lang namin yung nagdadala para manalo kami every game,” pahayag ng head coach ng Kamao na si Raffy Gonzales.
“Actually kulang kami sa player eh, wala si Ladia, injury si Alvin Vitug, yung Chris Satos ko hindi pwede maglaro. Nasira yung momentum namin eh,” sabi ni NHA Builders head coach Silverio “Benette” Palad III.
Magtutuos ang NHA Builders at AFP Cavaliers para sa third place sa March 4, 3:00 p.m. Habang 4:30 p.m. naman ang 1st game ng best-of-three series sa Finals na gaganapin sa Pasig City Sports Center.
(Bernard Dadis/UNTV Correspondent)