Sapat ang suplay ng kuryente sa bansa kaya walang dapat ipag-alala ang publiko na magkakaroon ng malawakang brownout ngayong darating na tag-init.
Ito ang muling tiniyak ni Senate Commitee on Energy Chairman Sherwin Gatchalian. Ito rin ang sinuguro ng mga opisyal ng Energy Regulatory Commision na humarap sa pagdinig ng senado noong nakaraang linggo.
Nangako naman ang ERC na agad aaksyunan ang mga aplikasyon para sa mga bagong magsusuplay ng kuryente upang hindi magkaroon ng power shortage supply sa tag-init.
Kung maaprubahan ang mga nakabinbing aplikasyon, karagdagang 1,500 megawatts ang maisusuplay sa bansa, malaking tulong para masustenihan ang malaking demand ngayong tag-init.
Ayon kay Sen. Gatchalian, sa tag-init nangangailangan ang Luzon ng 13,000 megawatts at sa buong bansa kailangan ng 16,000 to 17,000 megawatts.
Nakatakdang muling magpulong ang komite kasama ang ERC at Department of Energy bago ang summer upang pag-usapan ang pagtaas ng power rates sa bansa.
Pero sa kabila nito, pagtitipid pa rin sa paggamit ng kuryente ang patuloy na panawagan ng mga power distributors.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: Department of Energy, ERC, Sen. Gatchalian