Senate Blue Ribbon Committee, sisiyasatin ngayong araw sa pagdinig ang detalye sa apat na accounts kung saan inilipat ang $81-million laundered money

by Radyo La Verdad | April 12, 2016 (Tuesday) | 3843

SENATE-HEARING
Pinahintulutan na ng RCBC ang Senate Blue Ribbon Committee na imbestigahan nito ang detalye kaugnay ng apat na private bank accounts sa Jupiter Branch ng RCBC.

Sa tatlong nakalipas na pagdinig, iginiit ng RCBC management na hindi sila maaaring magsalita ng detalye kaugnay ng apat na account dahil sa bank secrecy law bagama’t fictitious account ito.

Apat na dollar accounts ang binuksan umano ni dating RCBC Branch Manager Maia Deguito at isang Chinese national na si Sua Hua Gao kung saan ipinasok ang 81-million US dollars noong February 5, 2016.

Subalit sa pagdinig ng senado noong April 5, isang ahensya ng gobyerno partikular na ang Land Transportation Office ang nagpatunay na peke ang mga id na ginamit sa pagbubukas ng account sa RCBC Jupiter Branch.

At dahil hindi maco-contact ang indibidwal sa address na naka-file sa bangko, otomatikong maiko-close ang account nito.

At kung closed na ang isang bank account, hindi na ito sakop ng bank secrecy law.

Una nang pumirma si William Go ng waiver katunayang pumayag siyang maimbestigahan at mapag-usapan sa publiko ang account na ipinangalan sa kaniya sa RCBC Jupiter Branch dahil gawa-gawa lamang ito.

Subalit hindi pa rin pumapayag ang Philrem na i-waive ang karapatan nito sa bank secrecy law.

Samantala, inaasahang iimbestigahan din ng Senado ngayong araw ang Philrem messenger na si Mark Palmares, na binanggit na kasamang nagdeliver ng pera kay Weikang Xu sa Solaire.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,