Senador,nananawagan ng mahigpit na seguridad sa paggunita ng ika-15 taon ng Rizal Day Bombing

by Radyo La Verdad | December 29, 2015 (Tuesday) | 1399

MERYLL_SEN.MARCOS
Nanawagan si Senator Bongbong Marcos, Jr. sa mga awtoridad na paigtingin ang seguridad sa mga mataong lugar tulad ng mall, at mga estasyon ng pampublikong transportasyon kaalinsabay sa paggunita sa ika-15 taon ng Rizal Day bombing na nagresulta sa pagkamatay ng 22 katao at pagkasugat ng mahigit isandaang iba pa na kagagawan ng mga Muslim extremist na may kaugnayan sa terrorist group na Jemaah Islamiyah.

Ayon sa senador, kamakailan lamang naglunsad ng magkahiwalay na pag-atake laban sa mga militar sa Mindanao ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf.

Iginiit ni Marcos, na kahit tila ang mga militar lang ang target sa ginawang pag-atake ng mga armadong grupo ay hindi umano dapat makumpyansa ang publiko dahil hindi malayo na maulit ang naging pambobomba ng mga bandido labing limang taon na ang nakararaan.

Matatandaan na noong December 30, 2000 limang magkakahiwalay na pagsabog ang gumimbal sa Metro Manila: sa Plaza Ferguson sa Malate, Manila; sa isang gas station sa Makati, sa cargo handling station sa Ninoy Aquino International Airport, at sa isang bagon ng LRT sa Blumentritt station kung saan pinakamarami ang nasawi at nasugatan.

Nababahala si Marcos sa pahayag ng BIFF na inspirasyon ng kanilang pag-atake ang ginagawa ng ISIS na nasa likod ng madugong terror attack sa Paris nitong Nobyembre kung saan 129 katao ang namatay at mahigit 350 ang sugatan.

Maliban dito may mga ulat pa ng Malaysian at Indonesian terrorist na nakipag-ugnayan sa Abu Sayyaf at isa ngang Malaysian na umano’y bomb expert ang napatay sa engkwentro ng militar at Abu Sayyaf sa Basilan nito lamang December 15.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: