Senador Villar naniniwalang maaprubahan ng Senado ang 2,000 pesos pension hike bago matapos ang taon

by Radyo La Verdad | November 3, 2015 (Tuesday) | 1032

BRYAN_SEN.VILLAR
Tiwala si Sen. Cynthia Villar na sasang-ayunan ng Senado ang P2,000 across-the-board increase sa pension ng 1.9 million kasapi ng Social Security System (SSS).

Sinabi ni Villar, Chair ng Committee on Government Corporations and Public Enterprises, na kabilang sa priority legislations na pagbalik ng sesyon ang House Bill No. 5842 na inaamendiyahan ang Section 12 ng Republic Act 1161 o ang Social Security Act of 1997.

Si Villar ang pangunahing may-akda ng panukalang batas na nasa ikalawang pagdinig. Ang co-sponsor nito ay sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senators Teofisto Guingona III, Francis Escudero, Ramon Revilla,Jr., at Jv Ejercito.

Sina Senators Ferdinand Marcos Jr., Jinggoy Estrada, at Antonio Trillanes IV ay naghain din ng katulad na panukala.

Noong Hunyo, ipinasa ito sa third and final reading ng House of Representatives.

Mabibiyayaan sa pagtaas ng pensyon ang SSS pensioners na nagtrabaho at nag remit ng premiums sa loob ng 10- 20 taon.

Ang minimum na pensyon ay P1,200 para sa mga kasapi na may di bababa sa 10 ‘credited years of service’ at P2,400 sa 20 ‘credited years of service.’ noong April 2015, ang average pension ay P3,169.

Agarang tinutulan ni Villar ang panukalang taasan ang kontribusyon ng mga kasapi ng SSS mula 11 percent – 15 percent upang pondohan ang pension hike hanggang 2042.(Bryan De Paz/UNTV Correspondent)

Tags: ,