Senador Trillanes, pansamantalang nakalaya matapos magpyansa

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 1888

Mag-aalas dos ng hapon kahapon nang ipinag-utos ni Judge Elmo Alameda ng Branch 150 ang pag-aresto kay Senator Antonio Trillanes IV, kasabay ang hold departure order o pagpigil na makaalis ito ng bansa.

Ang Branch 150 ang humawak ng kasong rebelyon ni Trillanes kaugnay ng Manila Peninsula siege.

Alas dos y medya ng hapon payapang sumama si Senator Trillanes sa arresting officers sa pangunguna nina NCRPO Chief Guillermo Eleazar at Makati PNP Chief Rogelio Simon.

Sa Senate lounge na ibinigay kay Senator Trillanes ang warrant of arrest at dito na rin siya binasahan ng Miranda rights.

Diretso sa Makati City Police si Trillanes kung saang sumailalim ito sa booking procedure at kinunan ng mug shots.

Ayon kay Clerk of Court Attorney Diosfa Valencia, isa sa mga rason kung bakit kinatigan ni Judge Alameda ang mosyon ng DOJ ay dahil hindi naisumite sa korte ang orihinal na kopya na umano’y ibinigay sa DND Ad Hoc Committeee taong 2011.

Pasado alas kwatro ng hapon ay nagtungo ang mambabatas sa Makati Court kasama ang kaniyang mga kasamahan sa oposisyon upang magbayad ng 200 libong pisong pyansa para sa kaniyang pansamantalang kalayaan. Nang mabigyan ng release order, bumalik na sa Sendo si Senator Trillanes.

At dahil walang bisa mula simula ang kaniyang amnestiya, muling tatalakayin ng korte ang kaniyang kasong rebelyon na natigil ang paglilitis Setyembre 2011.

Pinagsusumite ang prosekusyon ng inisyal na ebidensya laban sa kanya sa darating na ika-21 ng Nobyembre 2018.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,