Senador Sonny Angara, hinamon ang lahat ng mga kumakandidato sa pagkapangulo na gawing prayoridad ang turismo ng bansa

by Radyo La Verdad | February 29, 2016 (Monday) | 4152

MERYLL_ANGARA
Hinamon ni Senator Sonny Angara ang lahat ng presidentiables na gawing prayoridad ang pagpapaunlad sa turismo ng bansa.

Ayon sa senador, matapos ang mabilis na pag-usbong ng turismo ng Pilipinas dahil sa slogan nito na “It’s more fun in the Philippines”, dapat lang aniya na ilatag ng mga tumatakbo sa pagkapangulo ang kani-kanilang mga programa upang mapanatili ang magandang estado ng turismo sa kasalukuyan.

Umaasa si Angara na tututukan ng magiging pangulo ng bansa ang infrastructure development dahil aniya, magiging limitado pa rin ang pagsulong ng turismo kung kulang sa imprastraktura ang bansa.

Ayon sa pinakahuling datos ng Department of Tourism o DOT, naungusan na ng bansa ang target nitong limang milyong tourist arrivals, makaraang mairehistro ng DOT ang 5.36 million foreign visitors ng Pilipinas nitong 2015. Nangangahulugang lumobo ng 11 porsyento ang antas ng foreign arrivals sa bansa mula sa 4.83 milyong mga dayuhang bumisita rito noong 2014.

Gayunman, ikinalungkot ng senador na bagaman patuloy ang pagdami ng mga foreign visitor sa bansa, tayo pa rin sa buong Asia-Pacific Region ang may pinakamaliit na international tourist arrivals noong 2014 na mayroon lamang 1.8 porsyento. Ang mga karatig bansa natin tulad ng Vietnam ay may 3 percent; Indonesia, 3.6 percent; Singapore, 4.5 percent; Thailand, 9.4 percent at Malaysia, 10.4 percent. Ang mga datos na ito ay base sa United Nations World Tourism Organization.

Ayon pa kay Angara na vice chairman ng Senate Committee on Tourism, ang pagpapalago sa industriya ng turismo ang isa sana na makitang solusyon ng mga presidentiable upang masolusyonan ang talamak na unemployment sa Pilipinas.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,