Hindi gagayahin ng mga senador ang ginawa ng mga kongresista na miyembro ng Ad Hoc committee na “ni-railroad” ang pagpasa sa proposed Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito ang ipinahayag ni Senador Ferdinand Marcos Jr., chairman ng Senate Committee on Local Government, isa sa mga komite na nagsasagawa ng pagdinig sa BBL
Noong Martes,tinapos ng 75-member ad hoc committee ang line-by-line voting, sa 109-pahinang “working draft” ng BBL na binalangkas ni Rep. Rufus Rodriguez na hinihinalang bersyon ng Malakanyang dahil dalawang beses ipinatawag ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga miyembro ng ad hoc committee.
Umani ng batikos ang komite na mayorya ay kaalyado ng Pangulo at inaakusahang “ni-railroad” ang botohan upang makasama pa rin ang karamihan sa mga unconstitutional provision na mariing tinutulan noong una ni Rodriguez.
“I don’t think so because our senators are very independent-minded,” ito ang naging pahayag ni Senador Marcos sa isyu na maaari din umanong pabilisin ang pagpasa sa proposed BBL.
Dagdag pa ni Marcos na mismong mga kasamahang senador ang may gusto na busisiin at pag-aralang mabuti ang BBL. Ngunit pangamba nito na baka sa huli ay sangayunan ng ilang senador na kaalyado ng Administrasyong Aquino ang draft ng Malakanyang.
Noong Miyerkules, tuluyan nang inaprubahan ng panel, sa botong 50-17 at isang abstention, ang BBL.
Tags: Bangsamoro Basic Law, BBL, Ferdinand Marcos Jr., Rufus Rodriguez, Senate Committee on Local Government