Senador Juan Ponce Enrile, balik trabaho sa Senado ngayong araw

by Radyo La Verdad | August 24, 2015 (Monday) | 1299

JPE
Pasado alas dos ng hapon nang dumating sa senado si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.

Ito ang unang araw ng kanyang pagbabalik sa trabaho matapos ang halos isang taong pagkaka-hospital arrest sa PNP General Hospital sa Camp Crame dahil sa kinakaharap na kasong pluder.

Maaga pa lamang kanina ay puno na ng iba’t-ibang welcoming messages ang opisina ni Sen. Enrile mula sa mga kapwa senador upang ipaabot ang kanilang pagbati dito.

Bukod sa mga banner, dumagsa rin sa opisina ng senador ang mga Senatorial Staff upang i-welcome siya.

Sa unang araw ng kanyang pagbabalik sa trabaho agad na sumalang si Enrile sa plenary debate kaugnay ng proposed BBL.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang senador, sa kanyang mga kritiko na kumukwestyon sa naging desisyon ng Korte Suprema.

Sa kabila nang kanyang karamdaman at katandaan, nangako ang senador na patuloy niyang gagampanan ang kanyang trabaho.

Pinayagang makapagpiyansa si Enrile sa Sandiganbayan, matapos na katigan ng Korte Suprema ang inihaing petition for bail sa kasong plunder at graft na kinakaharap nito kaugnay ng pork barrel scam.

Huwebes noong nakaraang linggo nang makapagpiyansa ang senador sa Sandiganbayan ng halagang aabot sa mahigit isang milyong piso.

Una nang nagpahayag ng suporta at pagkasabik ang ilan sa kapwa senador ni Enrile sa muling pagsabak nito sa iba’t-ibang sesyon at pagdinig na isinasagawa sa Senado.

Kabilang na rito sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senator Vicente Sotto III, Senator Bongbong Marcos at Senator Chiz Escudero.

Naniniwala ang mga ito na malaki ang maitutulong ng mga kaalaman at karanasan ni Enrile sa isinasagawang deliberasyon ng Senado sa proposed Bangsamoro Basic Law.

Para naman kay Senator JV Ejercito at Senator Nancy Binay, ang pagbabalik ni Enrile ay muling magpapalakas sa hanay ng minorya,lalo na sa gagawing pagbusisi sa 2016 proposed National Budget.

Kapwa naman nirerespeto nila Senate President Franklin Drilon at Senator Antonio Trillanes the forth ang naging desisyon ng kataas-taasang hukuman. (Joan Nano / UNTV News)

Tags: