Senado, planong maipasa ang 2022 budget sa unang linggo ng Disyembre – Sen. Sotto

by Radyo La Verdad | November 2, 2021 (Tuesday) | 3040

Nasa Senado na ang bola para sa pagpasa sa 5.024 trillion peso national budget para sa 2022.

Si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na siya ring Vice Chairperson ng House Committee on Appropriations, nanawagan sa mga senador na maagang maipasa ang pambansang pondo.

Umaasa si Salceda na isasantabi muna ng mga senador na tatakbo rin sa eleksyon ang pangangampanya para matiyak na maipapasa sa oras ng national budget.

Giit ng kongresista,malaki ang magiging epekto sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa pandemya sakaling magkaroon ng reenacted budget.

Naisumite na ng kamara sa senado ang general appropriations bill (GAB) noong October 25 — dalawang araw na mas maaga sa nauna nitong target na October 27.

Mas maaga rin ito kumpara noong nakaraang taon kung saan na-delay ang pag-transmit sa senado sa gitna ng bangayan sa house leadership.

Sa ilalim ng gab, mahigit 65 billion pesos ang ni-realign sa iba’t ibang programa kabilang na ang pagbili ng covid-19 vaccines at booster shots, at special risk allowance para sa health workers.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, sisimulan ang plenary debates sa pagbabalik sesyon sa November 8.

Inaasahan din ng senador na maipapasa ng senado ang budget sa unang linggo ng Disyembre.

Tiniyak naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na bibigyang prayoridad ang 2022 budget at sisikaping maipasa sa tamang oras.

Siniguro rin nitong hindi nila papayagan na magkaroon ng re-enacted budget.

Batay sa draft schedule mula kay Senate Finance Committee Chairperson Sen. Sonny Angara, tatakbo mula November 10 hanggang 19 ang debate sa plenaryo.

November 25 naman target na maipasa ng senado ang budget sa second at third reading; habang November 29 hanggang December 2 isasagawa ang bicameral conference committee.

Kapag naging enrolled bill na ang GAB, inaasahang pipirmahan na ito ng mga lider ng kamara at senado sa December 17, bago ibigay sa Malakanyang para mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, tapos nang dinggin sa committee level sa Senado ang lahat ng panukalang budget ng mga ahensya ng gobyerno at umaasa ang ilang mambabatas na malalagdaan ng Pangulo ang pambansang pondo bago mag December 25.

Harlene Delgado | UNTV News

Tags: ,