Pagsisikapan ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization na ituloy ang pagsasabatas ng Senate Bill no 2671 o ang Salary Standardization Law 4 o SSL4.
Ayon kay Sen. Antonio Trillanes IV, magiging magandang regalo ito at legasiya ni Pangulong Aquino kung ito ay maipapasa bago siya bumababa sa pwesto sa darating na 2016.
“Ito ang gusto nating iwang regalo ni President Aquino sa mga kawani ng gobyerno, kabilang ang mga guro, pulis at sundalo na walang humpay ang pagtulong sa kaniya upang makamit ang mga reporma, para sa ating pamahalaan,” pahayag ni Trillanes.
Ayon sa isasaayos na salary scale, ang sweldo ng pinakamababang kawani ng gobyerno ay magiging P16,000 mula sa kasalukuyang P9,000. Para naman sa base pay ng isang candidate soldier, ito ay tataas sa humigit kumulang P23, 000 at P550,000 naman para sa four-star general.
Ang pagsasaayos ng mga posisyon at salary grade ay nakabatay sa kakayahan, uri ng trabaho, at responsibilidad na nakaatang sa isang posisyon.
Dagdag pa ni Trillanes, ang SSL 4 ay alinsunod sa kampanya ni Pangulong Aquino na labanan ang korupsyon. Aniya, isa itong panukala upang makaiwas ang mga kawani ng gobyerno na gumawa ng mga iligal na gawain para lang madagdagan ang kanilang kinikita.
Sa halip, dagdag pa ni Trillanes, ay maitutuon na lang ang kanilang panahon at enerhiya sa maayos na pagsisilbi sa publiko.
Sa kasalukuyan, ang Senate Bill 2671 ay nakabinbin sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Senado.(Meryll Lopez/UNTV Radio)