Senado at Kamara, bumotong pabor sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao hanggang Dec. 31, 2018

by Radyo La Verdad | December 13, 2017 (Wednesday) | 4099

Inaprubahan na ng mga senador at kongresista ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao hanggang December 31, 2018.

Sa kabuuang botong 240-yes; 27-no; at 0-abstain; pormal nang inaprubahan ng mataas at mababang kapulungan ang martial law extension.

Sa panig ng mga senador, 14 ang pumabor habang apat lamang ang tumutol sa extension at ito ay sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at iba pang miyembro ng minority bloc na sina Senators Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, at Bam Aquino.

Ang boto naman ng mga kongresista ay 226 yes at 23 no. Sinubukan pa itong kwestyunin ng ilang mambabatas subalit nanindigan si Executive Sec. Salvador Medialdea na hindi na dapat pang magsayang ng panahon dahil nasa mahigit isang daan pang miyembro ng teroristang grupong Maute ang nakakalaya pa hanggang ngayon.

Maliban sa Maute, patuloy rin umanong nagpapalakas ng puwersa ang iba pang natitirang miyembro ng teroristang grupo gaya ng Abu Sayyaf group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighter, New People’s Army at iba pa.

Ayon kay naman kay martial law Administrator at Defense Secretary Delfin Lorenzana, nagre-recruit umano ang mga NPA ng mga kabataan para maging mga bagong miyembro at naghahanda sa posibleng pag-atake.

Samantala, una ang sinabi ni Congressman Edcel Lagman na plano nilang muling kuwestiyunin ang deklarasyon ito sa Korte Suprema.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,