Sen. Trillanes, nakauwi na sa kaniyang bahay; mga planong gawin, inihayag ng mambabatas

by Radyo La Verdad | October 1, 2018 (Monday) | 5276

Pagkatapos ng dalawampu’t limang araw na pananatili sa Senado, nakabalik na rin sa kanyang tahanan si Sen. Antonio Trillanes IV matapos na kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang amnesty kaugnay ng kasong rebelyon.

Pasado alas diyes ng umaga noong Sabado nang lumabas ito ng mataas na kapulungan ng Kongreso at umuwi sa kanilang bahay sa Antipolo, Rizal.

Ito ay matapos hindi maglabas ng desisyon noong Biyernes ang Makati Regional Trial Court Branch 148 sa hiling ng Department of Justice (DOJ) na arestuhin ang senador at sa halip nagtakda ng pagdinig ang korte sa ika-5 ng Oktubre.

Ayon sa senador, bukod sa kaunting pahinga at makasama ang kaniyang pamilya, bibisitahin umano niya ang ina na nasa ospital. Magbabalik-trabaho na rin ito ngayong araw.

Paghahandaan din ni Sen. Trillanes ang pagdinig sa kanyang kaso sa Makati RTC Branch 148 sa Byernes.

Si Trillanes ay una nang inaresto noong Martes sa utos ng Makati RTC Branch 150 sa kanyang pagkakasangkot sa 2007 Manila Peninsula seige.

Nang araw ding iyon ay nagpiyansa agad ito ng P200,000 at bumalik sa Senado habang hinihintay ang desisyon naman ng Makati RTC Branch 148 sa kanyang ibang kaso.

Hiniling ng Department of Justice (DOJ), ang dalawang Makati RTC branches na mag-isyu ng arrest warrant at hold departure order laban sa senador.

Naungkat ang mga kasong rebelyon at kudeta laban kay Trillanes nang bawiin ni Pangulong Duterte ang amnesty nito na ipinagkaloob ni dating Pangulong Benigno Aquino III dahil sa umano’y kawalan nito ng pormal na aplikasyon.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,