Sen. Trillanes, nagtungo sa Singapore upang pabulaanan ang akusasyon na may offshore accounts siya

by Radyo La Verdad | September 20, 2017 (Wednesday) | 2631

Personal na nagtungo sa Singapore si Sen. Antonio Trillanes upang pabulaanan ang alegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na may offshore account siya sa naturang bansa. Nagsadya ito sa DBS Bank at HSBC at pinatunayang walang account na umiiral sa kaniyang pangalan.

Wala din aniyang maibigay na certification ang bank manager dahil hindi siya kliyente ng naturang mga bangko. Kasunod ng pagtungo ng Singapore, muling hinamon ni Trillanes ang Pangulo na pumirma sa isang waiver upang masilip ang kaniyang mga bank accounts.

Ngunit inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa programa ng People’s Television na “Sa Totoo Lang” na inimbento lamang nito ang bank account number sa Singapore ni Senador Trillanes.

Ayon pa sa punong ehekutibo, wala ring saysay ang waiver na ginawa ni Trillanes dahil ‘di ito kikilalanin ng Singaporean banks at hindi rin maglalabas ng certification ng pagiging non-existent ng isang account. Ginastusang propaganda lang din aniya ang pagbiyahe ni Trillanes sa Singapore.

Una ng nabangit ni Pangulong Duterte na may currency accounts ang mambabatas sa Shanghai, China, Zurich, at Geneva Switzerland, Singapore, at Cayman Islands.

Tags: , ,