Sen. Trillanes, mananatili sa Senado sa kabila ng paglamig ng bantang pag-aresto ng AFP

by Radyo La Verdad | September 11, 2018 (Tuesday) | 2652

Muling nagprotesta ang ilang supporter ni Senator Antonio Trillanes IV sa harap ng gusali ng Senado. Tinututulan ng grupo ang pagbawi ng amnestiya sa senador.

Si Senator Trillanes naman ay nananatili namang nagkukulong sa kaniyang opisina sa Senado mag-iisang linggo na simula nang sumugod ang ilang tauhan ng Philippine National Police-CIDG at militar sa labas ng Senado na tila naghihintay lamang ng go-signal upang arestuhin ang senador.

Sa kabila ng naging pahayag ni Pangulong Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na hintayin na lamang ang warrant of arrest ng korte, hindi pa rin aalis sa gusali ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang mambabatas.

Umaasa si Senator Trillanes na kakatigan ng Korte Suprema ang kaniyang petisyon na kumukwestiyon sa legalidad ng proklamasyon ni Pangulong Duterte na pagbawi sa kaniyang amnestiya.

Sakaling katigan aniya ng Supreme Court ang administrasyon, malaki umano ang magiging epekto nito sa legal system ng bansa.

Pinabulaanan rin ng senador na may pinaplano siya kasama ang ilang grupo na umano’y pagpapaalis sa pwesto sa Pangulo, taliwas sa naging pahayag umano ng Pangulo.

Humingi ng paumanhin ang senador sa Senate leadership dahil sa naging abala sa operasyon ng mataas na kapulungan ng Kongreso dahil sa usapin ng pag-aresto sa kaniya.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,