Naghain man ng kaniyang piyansa si Senador Antonio Trillanes IV sa kaniyang kasong rebelyon kahapon, hindi pa tapos ang ligal na usapin sa kaso ng senador.
Sa darating na Nobyembre a bente uno, iniutos ni Judge Elmo Alameda ng Makati RTC Branch 150 ang pagprepresenta ng inisyal na ebidensya ng prosekusyon laban sa senador kaugnay sa muling pagbuhay ng kaniyang kaso na nahinto ang paglilitis taong 2011.
Pero ayon sa ilang eksperto, maaari pa ring iakyat ni Trillanes sa Court of Appeals (CA) o maging sa Supreme Court (SC) ang naging desisyon ng huwes.
Ang pagkabigong magpasa ng orihinal na kopya ng amnesty application form ay isa sa mga rason kung bakit kinatigan ng Branch 150 ang mosyon ng doj na arestuhin si Trillanes.
Ito’y sa kabila ng pagsusumite ng salaysay ng administering officer nitong si Colonel Josefa Berbigal na nagsasabing sa kaniya mismo nanumpa ang senador.
Bagaman naniniwala din si San Beda College of Law Dean Ranhilio Aquino na maaari pang magpasaklolo sa mas mataas na korte ang mambabatas, aniya ang desisyon ng Branch 150 ay inisyal pa lamang umano at may pagkakataon pa rin ang DOJ at ang kampo ni Trillanes na patunayan ang kani-kanilang argumento sa nakatakdang paglilitis.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: CA, SC, sen. trillanes