Hindi na kailangan ng AFP ng warrant of arrest para arestuhin si Sen. Antonio Trillanes.
Ayon kay Department of National Defense Internal Audit Service Chief Atty. Ronald Patrick Rubin, matapos bawiin ng Malakanyang ang ibinigay na amnestiya, may kapangyarihan na ang AFP provost marshal na arestuhin si Trillanes ano mang oras sa ilalim ng military justice system.
Ito’y upang ituloy ang nahintong pagdinig ng military tribunal sa administrative case ni Trillanes na paglabag sa Articles of War 96 o conduct unbecoming of an officer and a gentleman at Articles of War 97. Pero giit ni Trillanes, hindi na siya maaring i-court martial.
Gayunman, nilinaw ni DND Spokesperson Arsenio Andolong na iginagalang naman nila ang Senado kaya nananatili lamang ang military police sa labas ng gusali ng Senado habang nakikipag-usap ang AFP sa Senate leadership para kusang i-turn over si Trillanes.
Sa ngayon, bumubuo na ng limang miyembro ng general court martial ang AFP na mayroong ranggong lieutenant colonel o colonel na mas mataas sa ranggong lieutenant senior grade na ranggo ni Trillanes sa Philippine Navy.
Sa ngayon, dapat aniyang patunayan ni Trillanes na nagsumite ito ng dokumento o aplikasyon sa amnesty dahil hanggang ngayon ay hindi ito makita ng DND.
Sinabi pa ni Andolong na handa na ang kulungan ng senador sa AFP custodial center sa loob ng Kampo Aguinaldo at wala aniyang special treatment na ibibigay sa mambabatas.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: AFP, DND, sen. trillanes