Sen. Trillanes, ipinarerepaso ang desisyon ng korte na buhayin ang kasong rebelyon

by Radyo La Verdad | October 12, 2018 (Friday) | 7187

Kinuwestiyon mismo sa korte ni Senador Antonio Trillanes IV ang naging desisyon ni Judge Elmo Alameda hinggil sa pagpapaaresto sa kaniya at muling pagbuhay sa kaniyang kasong rebelyon. Nakatakdang dinggin ng Makati Regional Trial Court Branch 150 sa mosyon ng senador.

Oktubre a uno nang umapela ang kampo ng senador na bigyan sila ng pagkakataon na makapagpresenta ng ebidensya upang muling pag-aralan ang naunang resolusyon ng korte.

Sa 19 na pahinang motion for reconsideration, iginiit ni Trillanes na nakumpleto niya ang mga requirements ng amnestiya partikular na ang pagsusumite ng aplikasyon at hayagang pag-amin sa kaniyang pagkakasala.

At ngayong hinahanap pa nga ang orihinal na kopya ng aplikasyon ay maaari umanong pagbatayan ng korte ang kopya ng mismong aplikasyon ay sinumpaang testimonya ng mga dating DND Ad Hoc Committee members na nagproseso ng mga ito.

Batay sa best evidence rule, ang original document ang pinakamatibay na ebidensyang maaaring isumite, ngunit sakaling mawala o masira ay maaaring gamitin ang tinatawag na secondary evidence, bagay na hindi umano nagamit ng wasto ng korte kung panghahawakan ang resolusyong inilabas ng Korte Suprema noong Setyembre 2011.

Ito naman ang pananaw ng ilang legal expert gaya ni PLM College of Law Dean na si Atty. George Garcia at legal expert Professor Tony La Viña.

“Anong sabi ng Korte Suprema? Hindi naman kami trier of facts, hindi naman kami ang nagbabalanse ng mga ebidensya at tumatanggap ng mga ebidensya, mas maganda sa korte. So ibig sabihin, hindi nag-isyu ng TRO at pinabayaan ang RTC muna ang manguna dito. So anong ibig sabihin, nirefer mismo ng Korte Suprema ang kaso sa Regional Trial Court?” –pahayag ni Atty. George Garcia

 “As long as he has shown the amnesty certificate, the burden of proof is with the government. The responsibility for the custody of documents is with government and not with Senator Trillanes. There should be no shifting of the burden” –pahayag ni Professor Tony La Viña

Matatandaang ika-25 ng Setyembre naglabas ng arrest warrant ang Branch 150 laban sa mambabatas, kasabay ng pagbuhay sa kaniyang rebellion case kaugnay ng 2007 Manila Peninsula siege na ibinasura noong Setyembre 2011.

Pansamantalang binigyan ng kalayaan ang senador nang magpyansa ng 200 libong piso.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,