Sen. Trillanes, Hontiveros at LP, pinabulaanang nasa likod ni alyas “Bikoy” at “Ang Totoong Narcolist” videos

by Radyo La Verdad | May 23, 2019 (Thursday) | 14896

METRO MANILA, Philippines – Malinaw umano na panibagong panggigipit sa oposisyon ang ginawang pagbaliktad ni Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy.” Kung saan isinasangkot na ang ilang Senador at Liberal Party na siya umanong nasa likod ng paggawa ng Anti-Duterte videos na pinamagatang “Ang Totoong Narcolist.”

Pinabulaanan ni Senator Antonio Trillanes IV ang mga naging alegasyon na ito ni Bikoy. Maaari aniya na panibagong pakana lamang ito ng administrasyon upang gipitin ang oposisyon.

Ayon pa sa Senador, kumukunsulta na siya sa kaniyang mga abogado kung ano ang maaaring isampang reklamo laban kay Advincula.

Para naman kay Senator Risa Hontiveros, panibagong tangka ito ng administrasyon upang guluhin ang publiko. Produkto aniya ito ng malikot na imahinasyon ng Malakanyang.

Ayon naman kay Liberal Party President Senator Francis Pangilinan, walang ugnayan ang partido kay Bikoy at pawang kasinungalingan lamang ang lahat ng mga paratang na nito.

Maging si Senate Minority Leader Franklin Drilon ay nagsabing walang sabwatan ang LP at si alyas Bikoy upang pabagsakin ang gobyerno kasabay ng panawagan nito sa PNP para sa malalimang imbestigasyon sa isyu.

Ipapaubaya naman ni Senator Panfilo Lacson sa mga otoridad ng imbestigasyon sa panibagong alegasyon ni Advincula. Ayon sa senador, bilang dating Law Enforcement Officer na may karanasan na sa pagkalap ng Intelligence, kailangang magpakita si alyas Bikoy ng mga totoong ebidensya na higit sa kaniyang ikinukuwento.

Si Alyas Bikoy aniya ay may seryosong problema sa kredibilidad na kailangan aniya niyang malutas.

Ayon sa dating PNP Chief, kinakailangan niyang maglabas ng matibay na ebidensya tungkol sa umanoy nangyaring pagpupulong at regular na komunikasyon sa mga taong ngayon ay inaakusahan niya.

Matatandaan na hindi na tinuloy ng komite ni Senator Lacson ang imbestigasyon sa mga unang naging akusasyon ni Alyas Bikoy.

Matapos ibulgar ni Senate President Vicente Sotto III noong ika-8 ng Mayo na dati nang lumapit sa kaniyang opisina si Advincula noong 2016 na isinasangkot sa iligal na droga sina dating Pangulong Benigno Aquino III at ilang miyembro ng gabinete nito. Kung saan  naging kaduda duda na sa senador ang nagiging kilos ni Advincula.

 “On my part I did due diligence kaya noong 2016, hindi ko pinatulan ito, medyo iniba lang niya kaunti ang script , iniba ang personalidad, ito naman ngayon, so perhaps the best thing again to learn from this lesson, perhaps a good lesson to ibp and religious sector na huwag basta basta ika nga e patol ng patol sa sa mga ito,” pahayag ni Senate President Sotto.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , ,