Sen. Trillanes, hinamon ni Sec. Roque na magsampa ng impeachment case kaugnay ng suspensyon kay Deputy Ombudsman Carandang

by Radyo La Verdad | January 31, 2018 (Wednesday) | 2785

Hindi naalarma ang Malakanyang sa ipinahayag ni Senator Antonio Trillanes na impeachable offense ang ginawa nito matapos na patawan ng preventive suspension si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.

Ayon sa mambabatas, independent institution ang Ombudsman.

Subalit, hinamon naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang senador na magsumite ng impeachment complaint hinggil dito.

Nanindigan din ang Malacañang na immediately executory ang preventive suspension laban kay Carandang at constitutional ito, liban na nga laman kung maglabas ng temporary restraining order ang korte hinggil sa isyu.

Handa naman si Solicitor General Jose Calida na ipagtanggol ang naging hakbang ng Office of the President sa korte.

Batay sa pahayag nito, tiwala itong babaligtarin ng Korte Suprema ang 2014 ruling nito na idinedeklarang unconstitutional ang Republic Act 6770 Section 8-2 ng Ombudsman Law na nagbibigay ng karapatan sa punong ehekutibo na tanggalin sa pwesto ang deputy ombudsman o ang special prosecutor kung mapapatunayan itong lumabag sa batas, gumawa ng anomang katiwalian o krimen.

Binigyang-diin din ng opisyal na may inherent power ang Pangulo na disiplinahin ang deputy ombudsman bilang appointing authority.
Si Carandang ang naglabas sa umano’y mga “fabricated” bank records ni pangulong rodrigo duterte at ng kaniyang pamilya, ito rin ang nangunguna sa imbestigasyon sa umano’y multi-billion peso bank accounts ng Pangulo batay sa isinampang reklamo ni Senator Antonio Trillanes.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,